Isinagawa ng Pamahalaang Lokal ng Bayan ng Malvar ang regular na seremonya ng Pagtataas ng Watawat na pinangunahan ni Mayor Admiral Art Abu, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga pinuno ng bawat tanggapan, at mga kawani ng munisipyo.






Dumalo rin ang ating mga nanalong  Binibining Malvar 2026 sa ginanap na seremonya ng Pagtataas ng Watawat. Ang seremonyang ito ay sumasalamin sa pagmamahal sa bayan, disiplina, at patuloy na paninindigan sa tapat at mahusay na paglilingkod para sa mamamayan ng Malvar.
Nagbahagi ng isang mensahe si Mayor Admiral Abu na may pamagat na Ang Parabula ng Tuwid na Daan.
“May isang bayan kung saan lahat ng daan ay liko-liko.  Sanay na ang mga tao na maligaw, magbanggaan, at maabala — pero dahil lahat ganoon ang dinadaanan, parang normal na lang.
Isang araw, may isang tao na nagtayo ng tuwid na daan sa gitna ng bayan. Tahimik lang siyang nagtrabaho.  Tama ang sukat, malinis ang gawa, walang dinaya, walang kinuha na hindi kanya.
Pero dahil sa tuwid na daan niya, kitang-kita kung gaano kaliko ang iba.
Kaya nagalit ang mga gumagawa ng liko-likong daan.
Sabi nila:
“Bakit iba ang ginagawa mo?”
“Sa tingin mo ba mas magaling ka?”
“Ginugulo mo ang sistema.”
Pinagtawanan nila siya. Siniraan.
Nilagyan ng bato ang daan niya para masira.
Pero hindi siya tumigil.
Itinuloy niya pa rin ang paggawa ng tuwid na daan.
Napansin ng mga dumaraan:
Kapag doon sila dumaan, hindi sila nadadapa. Hindi sila naliligaw.
Mas magaan ang biyahe.
Unti-unting may mga taga-bayan na dumaan sa tuwid na daan — palihim muna.
Mas lalong nagalit ang mga gumagawa ng liko-likong daan.
Hanggang sa pinalayas nila ang taong gumawa ng tuwid na daan.
Pagkalipas ng mga taon, gumuho ang mga liko-likong daan.  Wala silang pinuntahan.
Pero ang tuwid na daan — nanatili.
At ang mga dumaraan ay nagsabi:
“Mapalad ang taong gumawa nito, kahit siya ay itinaboy.”
Kaya eto po ang aking maikling  mensahe para sa mga kapuwa ko kawani:
Sa serbisyo publiko, ang parabula pong ito ay paalala sa atin:
Minsan, ang pagiging tama ay hindi popular.  Ang pagiging tapat ay minsan pinupuna.  Ang pagiging disiplinado ay minsan sinasabing “masyadong strikto.”
Hindi dahil mali tayo — kundi dahil ang tama ay naglalantad kung alin ang mali.
Pero tandaan po natin:
Ang sistema ay maaaring magbago,
ang opinyon ng tao ay maaaring mag-iba,
pero ang integridad — nananatili.
At sa huli, hindi ang pinakamadaling daan ang mahalaga, kundi ang tuwid na daan”, ayon kay Mayor Admiral Abu.
#MayorAdmiralArtAbu

Post a Comment

0 Comments